BOMBO DAGUPAN – Nagtamo ng major injuries ang isang ginang na nahagip ng isang tricycle habang tumatawid sa kalsada sa Brgy. Palacpalac sa bayan ng Pozorrubio.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Police Major Zynon Paiking, Chief of Police ng naturang bayan, kasalukuyan naman ng nagpapagaling sa ospital ang naturang biktima na kinilala bilang si Lucia Gamboa, 67 anyos habang ang nakasagasang tricycle driver ay si Christian Capinpin na taga Sison, Pangasinan.
Sinabi nito na agad namang naitakbo ang ginang sa malapit na hospital at kanina lamang ay nailipat na rin ito sa isang ospital sa San Fernando sa La Union.
Hindi naman aniya accident prone area ang pinangyarihan ng insidente ngunit may kadiliman kasi ang lugar kung kaya’t hindi daw agad nakita ng tricycle driver ang pagtawid ng ginang.
Paalala muli nito sa publiko na laging mag-iingat sa pagbiyahe at magkaroon ng kooperasyon sa mga law enforcement sa pagpapanatili ng seguridad at kaligtasan ng bawat isa.