-- Advertisements --

Nagpakitang gilas ang Gilas Pilipinas Boys sa fourth-quarter rally upang pataubin ang host country na Thailand, 85-70, at kumpletuhin ang kanilang kampanya sa FIBA U18 Asia Cup SEABA Qualifiers nitong Linggo.

Bagama’t nasayang ng mga Pilipino ang maagang double-digit na bentahe, nakabawi sila sa last quarter ng laro upang patahimikin ang home crowd at tapusin ang torneo nang walang talo.

Sa kabila ng pagkatalo, nakasiguro na rin ang Thailand ng puwesto sa FIBA U18 Asia Cup na gaganapin sa Agosto, kasama ang Pilipinas bilang mga kinatawan ng rehiyon.

Maagang nakapagtayo ng 13 points na lamang ang Gilas Boys, ngunit nabawasan ito sa third quarter nang magpakitang gilas si Peerakan Wilairoj ng Thailand. Sa kanyang magkakasunod na three-point shots, naibaba niya ang lamang ng Pilipinas sa isang puntos, 51-50.

Gayunpaman, pinangunahan ni Chog Moral ang isang 12-7 run upang muling makalayo ang Gilas at tapusin ang ikatlong yugto na may anim na puntos na bentahe, 63-57.

Tuluyang nakalamang ang Pilipinas sa fourth quarter sa pangunguna ni Patrick Pasinos, na nagtala ng anim na sunod na points upang itaas ang kalamangan sa 74-63. Sinelyuhan niya ang panalo sa isang step-back three-pointer na nagpalobo sa iskor sa 81-65 may 57 segundo na lamang sa laro.

Pinangunahan naman ni Joaquin Tovera ang Gilas Boys sa opensa matapos umiskor ng 21 points. Nag-ambag naman sina Pasinos at Ethan Aguas ng tig-13 points, habang nagtala si Moral ng 10 points, pitong rebounds, pitong assists, at tatlong steals.

Sa panig ng Thailand, nanguna si Lorenzo Ravazzini sa kanyang double-double na 15 points at 15 rebounds. Nagdagdag naman sina Phurich Benjaariyakul at Ronnie Allsopp ng tig-13 points.