-- Advertisements --

Nais ngayon ng mga local government units (LGUs) na makipag-partner sa national government para sa pagbili ng mga bakuna gamit ang kanilang sariling pondo.

Ayon kay National Task Force Against COVID-19 chief implementer and vaccine czar Carlito Galvez Jr. ito ay matapos na aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang proposal para pumasok ang mga LGUs sa tripartite agreements sa pagbili ng bakuna kontra COVID-19.

Ang inisyatibang ito, ayon kay Galvez, ay kahalintulad sa tripartite agreement na nilagdaan ng national government, private sector at pharmaceutical companies noong Nobyembre 2020 kung saan nagtulungan ang iba’t ibang partido para ma-maximize ang kanilang “manpower, expertise, at resources” para matiyak ang “coordinated, integrated at holistic” na COVID-19 vaccination program.

Sa pamamagitan aniya ng tripartite agreement na ito ay magiging mas madali para sa mga LGUs ang pag-secure sa mga deals sa mga pharmaceutical companies.

Paraan din aniya ito para makapaglagay ng resources ang national government sa ibang LGUs na walang hawak na sapat na pondo sa pagbili ng kanilang sariling bakuna.

Dagdag pa ni Galvez, ang mga LGUs ay bahagi nang implementation ng Philippine National Vaccine Roadmap.