-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Umabot na sa P95.00 ang presyo sa kada kilo ng puting asukal sa ilang tindahan sa pribadong pamilihan sa lunsod.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa tagapamahala ng isang tindahan sa pribadong pamilihan, sinabi niya na halos araw-araw ang pagtaas sa presyo ng mga bilihin lalo na sa asukal na hindi nila malaman kung ano ang dahilan.

Ang kada kilo ng puting asukal noong nakaraang linggo ay P80-85 lamang ngunit ngayong linggo ay muli na namang tumaas at umabot na sa P95 kada kilo.

Kung tutuusin ay sobrang taas ang naidagdag sa presyo dahil kung magbabatay sa isang sako ng puting asukal ay nabibili noon sa mahigit P3,000 ngunit ngayon ay umaabot na sa P4,700 ng kada sako.

Ramdam na rin nila ang paghina ng kanilang bentahan sa puting asukal dahil kahit mayroon silang regular customer pangunahin na ang mga may-ari ng panaderya ay pinipili na nila ang murang asukal tulad ng light brown sugar at dark brown sugar.

Mas mura ang presyo ang light brown sugar na P75 kada kilo habang sa dark brown sugar ay P67 naman ang kada kilo.

Ang mga may-ari ng panaderya ay mas binibili na ang dark brown sugar dahil mas mura ito kumpara sa dati nilang ginagamit na puting asukal.

Wala namang problema sa tustos ng asukal sa bansa dahil patuloy ang pagdating ng kanilang mga order sa mga supplier ngunit posible pang tataas ang presyo sa mga susunod na mga araw.