-- Advertisements --
Screenshot 2019 06 07 16 31 23
DoH Sec Duque

Tiniyak daw ni Department of Health (DoH) Sec. Francisco Duque III na suportado nito ang imbestigasyon ng Department of Justice (DoJ) sa ghost dialysis patient scam ng WelMed Dialysis Center.

Ito ang kinumpirma ni Justice Sec. Menardo Guevarra kasunod ng pagpupulong nila ni Duque kasama si National Bureau of Investigation (NBI) Director Dante Gierran.

Ang pagpupulong ay hiling umano mismo ni Duque para talakayin ang nabunyag na katiwalian sa WellMed.

Nilinaw naman ni Guevarra na uunahin munang imbestigahan ng NBI ang mga dokumento kaugnay sa mga maanomalyang claims bago madetermina kung sino-sino ang dapat ipatawag para maimbestigahan.

Samantala, sa inilabas namang pahayag ni Duque, sinabi nitong siya mismo ang personal na humiling kay Guevarra na masailalim siya sa imbestigasyon ng NBI.

Pero nais naman ng kalihim ng DoH na hindi sa kanya masentro ang isyu sa kontrobersya.

Aniya ang dapat pagtuunan dito ng pansin ay ang tuluyang pagpapanagot sa mga nasa likod ng korapsyon at katiwalian, alinsunod sa ikinakampanya ng Pangulong Rodrigo Duterte.