Sa botong 22 pabor, walang kumontra at walang nag-abstain, lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang pagbibigay ng libreng funeral services sa mga mahihirap na pamilya.
Inisponsoran ni Senadora Imee Marcos ang Senate Bill No. 2965, na kilala bilang Free Funeral Services Act.
Ayon sa panukala, ang “mahihirap” ay tumutukoy sa mga pamilyang ang kita ay mas mababa sa itinakdang poverty threshold ng National Economic and Development Authority (NEDA) o hindi kayang tustusan ang kanilang pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, kalusugan, edukasyon, pabahay, at iba pang batayang pangangailangan sa buhay, alinsunod sa Republic Act No. 8425, o ang Social Reform and Poverty Alleviation Act.
Ang libreng funeral services ay ipagkakaloob sa mga pamilyang nasa crisis situation, ayon sa pagdetermina ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang kuwalipikadong mahihirap na pamilya ay makatatanggap ng tinatawag na “Indigent Funeral Package,” na kinabibilangan ng mga sumusunod:
- – Pagproseso ng funeral documents
- – Embalsamo
- – Serbisyo ng paglilibing o interment
- – Transportasyon
- – Serbisyong cremation at inurnment kabilang ang pagbibigay ng kabaong, urn, o lugar para sa burol o seremonya.
Ipagkakaloob sa mga mahihirap na pamilya sa bawat pagpanaw ng isang miyembro ng pamilya ang libreng funeral services sa pamamagitan ng mga accredited funeral establishments saan mang dako ng bansa.
Ipinag-uutos na lahat ng funeral establishments, anuman ang uri o lokasyon, ay dapat magpatupad ng iisang standard na “Indigent Funeral Package” na magagamit ng lahat ng mahihirap na pamilya, alinsunod sa pagtukoy at pakikipag-ugnayan sa DSWD.