-- Advertisements --
Frankie reiterates

Nilinaw ni Frankie Pangilinan na ang desisyon nitong paglayo muna sa social media ay hindi dahil sa sunud-sunod na pamba-bash sa kanilang pamilya.

Ayon sa 19-year-old singer, ilang taon na rin namang nararanasan ng kanilang pamilya ang pagkakaroon ng mga kritiko pero ngayon lamang niya ninais talaga na pansamantalang lumayo sa “ingay” mula sa online world.

Hindi naman nabanggit ng anak nina Sharon Cuneta at Sen. “Kiko” Pangilinan kung ano ang tunay niyang dahilan, pero kung maalala, naging laman siya ng mga balita matapos ang matapang na pahayag laban sa rape culture sa bansa.

Ito ay ang kanyang pagtutol kaugnay sa payo sa mga kababaihan na ayusin ang pananamit upang hindi maging target ng mga rapist.

Nasundan ito ng pagsabog na rin sa galit ni Megastar Sharon Cuneta dahil sa paglitaw ng isang Sonny Alcos na nagbantang kung 12-anyos lamang siya ay gagahasain nito si Frankie.

“hi my loves, i was initially just going to take the break but i figured i’d lyk first in case my silence is odd. i’ll be keeping my distance from social media as much as possible while still occasionally helping spread awareness for things that matter. hope u understand & ilysm,” tweet ngpanganay na anak nina Kiko at Shawie.

Gayunman, wala pang nabanggit ang Megastar daughter kung itutuloy nito ang pagdemanda.