Labis na ikinalungkot ng forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun sa isang resolusyon na inisyu ng state prosecutors na nagbabasura sa murder complaint na inihain laban sa 17 police officers na may kaugnayan sa labor leader na si Manny Asuncion.
Inilarawan ni Dr. Raquel Fortun ang argumento ng Department of Justice (DoJ) resolution na “crazy” at sinabing na-twist din ang forensic report.
Lumalabas sa autopsy result kay Asuncion na posibleng ang insidente ay homicide.
Sa pagbasura sa murder complaint, sinabi ng DoJ panel na ang autopsy ay hindi nakapagbigay ng ano mang findings o suggestion kung sino ang naging dahilan ng injury.
Umalma rin si Fortun sa pagnanais daw ng Justice department na ilagay sa kanyang report ang identity ng mga gumawa sa krimen.
Nakasaad din sa resolusyon na hindi raw napatunayan ng asawa ni Asuncion na si Liezel ang kanyang alegasyon laban sa mga isinasangkot na police officers.
Pero sinabi ni Liezel na ang mga lalaki na naka-uniporme ng pulis ay nakasuot ng ski masks at natakapan ang kanilang mga nameplates ng pulang tela.
Kung maalala si Asuncion ay isa sa siyam na aktibistang napatay sa simultaneous pre-dawn raids noong March 2021 sa Cavite, Batangas at Rizal.
Kabilang sa mga namatay ay ang mga fisherfolk leaders na sina Chai Lemita-Evangelista at Ariel Evangelista sa Nasugbu, Batangas.










