-- Advertisements --

Posible umanong talakayin nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Russian President Vladimir Putin ang pagtatayo ng floating nuclear power plant sa Pilipinas.

Ito ay sa kabila ng hindi pa paggamit ng bansa ng nuclear energy sa kasalukuyang energy mix.

Ayon kay Philippine Ambassador to Russia Igor Bailen, matagal nang isinusulong ni Pangulong Marcos ang pagpasok ng Pilipinas sa nuclear energy upang mapatatag ang energy sector.

Posible rin aniyang talakayin ng pangulo ang paggamit ng small nuclear modular reactors, dahil kilala ang Russia sa naturang teknolohiya.

Binanggit ni Bailen na ang Russia ang kauna-unahang bansa na matagumpay na gumamit ng teknolohiyang ito, kaya’t malaki ang posibilidad na hindi palalagpasin ng pangulo ang pagkakataon upang isulong ang proyekto.

Sa unang tatlong taon ng panunungkulan ni Pangulong Marcos, naisabatas ang Philippine National Nuclear Energy Safety Act (Republic Act 12305) na nagtatag ng independent Philippine Atomic Energy Regulatory Authority (PhilATOM).

Layunin ng administrasyon na maitayo at mapagana ang unang nuclear plant sa bansa pagsapit ng 2032.