BACOLOD CITY – Nagpapasalamat ang Filipino wheelchair racer sa lahat ng sumuporta sa kanilang laro sa Paralympics 2020 sa Tokyo, Japan na magtatapos na bukas.
Nagtapos na rin kahapon ang Paralympic stint ng Pilipinas kung saan naging 8th placer si Jerrold Mangliwan sa men’s 100m T52 finals.
Natapos ni Mangliwan ang event sa loob ng 20.08 seconds, mas mababa kaysa sa personal best nito na 18.88 seconds.
Nakuha naman ng American na si Raymond Martin ang gold medal, silver medalist ang Japanese na si Yuki Oya at bronze medalist ang Mexican na si Leonardo de Jesus Perez Juarez.
Sa interview ng Bombo Radyo kay Mangliwan, nagpapasalamat ito na nakalaro sa Paralympics sa kabila ng mga Coronavirus disease 2019 (COVID-19) restrictions at tatlo sa mga Filipino paralympians ang hindi nakalaro dahil nagpositibo sa covid test.
Ayon sa 41-year-old wheelchair racer, araw-araw ang swab test kaya malaki ang pasasalamat nito na negatibo siya sa virus.
Sa unang pagkakataon, na-disqualify din ito sa 400m race dahil sa lane violation ngunit nalampasan naman nito ang kanyang personal best ng dalawang segundo.
Ayon dito, natutuwa siya na nagawa nito ang target nila ng kanyang coach na malagpasan ang kanyang record sa 2016 Rio Paralympics kung saan siya ang naging 7th placer.
5th placer sana si Mangliwan sa 400m race ngunit ito ay na-disqualify.
Ayon dito, hindi nya nakontrol ang balanse kaya naapakan nang gulong ng wheelchair nito ang lane 2 sa halip na ma-maintain ang lane 3.
Bukas na ang araw ng closing ceremony ng Tokyo Paralympics ngunit hindi na makakadalo dito si Mangliwan at ang kanyang coach dahil bukas na din ang lipad nila pauwi sa Pilipinas.
Ayon dito, limitado lang ang makakadalo sa closing ceremony.
Pagdating sa Metro Manila, isasailalim sa quarantine sa hotel ang paralympian.