Nakikipag-ugnayan na ang Food and Drug Administration (FDA) sa iba pang ahensya ng gobyerno tulad ng Bureau of Customs (BOC) para maiwasan ang pagpasok sa bansa ng mga pekeng COVID-19 vaccines.
Ito’y matapos ang mga reports tungkol sa pagkakasabat ng mga pekeng vials ng coronavirus vaccines mula China.
Sinabi ni Health Secretary Duque na susuriin nilang mabuti ang mga dokumento ng mga bakunang darating at magkakaroon din aniya sila ng orientation hinggil dito.
Noong Martes nang ibalita ng Xinhua, ang state news agency ng China, na halos 80 katao ang inaresto sa isinagawang police operation sa Beijing, Shanghai, at eastern province ng Shandong kung saan 3,000 doses ng pekeng bakuna ang nasabat ng mga otoridad.
Batay pa sa nakalap na impormasyon ng pulisya, sinimulan ang naturang scheme noon pang September 2020.
Pinaghalong asin at tubig o Saline lang umano ang laman ng pekeng bakuna.
Nabatid din ng mga otoridad na ang mga suspek ay nakapagpadala na rin ng pekeng bakuna sa ibang bansa.