-- Advertisements --

Inilabas ngayong araw ng FBI ang kauna-unahang dokumento na may kinalaman sa kanilang imbestigasyon sa Septembre 11, 2001 attacks sa Estados Unidos.

Ito ay kasunod na rin ng executive order na ibinaba ni US President Joe Biden makalipas na hilingin ito ng mga kaanak ng biktima sa 9/11 attacks sa paniniwala na suportado ng Saudi government ang mga hijackers.

Nakasaad sa partially redacted 16-page document na inilabas ng FBI ang contacts sa pagitan ng mga hijackers at Saudi associates ng mga ito, pero wala namang ebidensyang nakakapagsabi na may papel ang gobyerno ng Riyadh sa pag-atake na ito, na kumitil sa buhay ng nasa 3,000 katao.

Matagal nang iginigiit ng Saudi Arabia na wala silang kinalaman sa pag-atake na ito.

Sa isang statement na inilabas noong Setyembre 8, sinabi ng Saudi embassy na matagal nang adbokasiya ng kanilang bansa na magkaroon ng transparency sa 9/11 attacks.

Tatanggapin din aniya nila ang inilabas na mga classified documents ng US patungkol sa pag-atake na ito.

Magugunita na 15 sa 19 na hijackers ay mula sa Saudi Arabia.

Base sa isang US government commission, walang ebidensya na nag-uugnay nang direkta sa Saudi Arabia at al Qaeda, ang grupo na ikinanlong ng Taliban sa Afghanistan noong mga panahon na iyon.

Hindi naman malinaw kung mayroon nga lang iilang Saudi officials ang sangkot dito. (Reuters)