-- Advertisements --
image 732

Tiniyak ng Department of Agriculture na hindi maaapektuhan ang farmgate price ng palay, kasabay ng unti-unti nang pagbaba sa kada-kilong presyo ng bigas.

Batay kasi sa monitoring ng DA, bumababa na ng hanggang sa limang piso ang retail ng bigas sa maraming merkado ng bansa.

Ayon kay DA Senior Usec. Domingo F. Panganiban, ang pagbaba sa presyo ng bigas ay hindi makaka-apekto sa kasalukuyang presyo kada kilo ng palay.

Paliwanag ng opisyal, ang pagbaba sa presyo ng bigas ay isa sa mga resulta ng pagpapatupad ng price cap, na una na ring ipinag-utos ni PBBM.

Pinawi rin ni Usec Panganiban ang pangamba ng mga magsasaka ukol sa kabuuang epekto nito sa kanilang kita.

Naka-alalay aniya ang administrasyon, at patuloy na binabantayan ang kalagayan ng mga magpapalay sa bansa.

Maalalang ilang linggo matapos ang pagpapatupad sa price cap para sa well milled at regular milled na bigas, inaprubahan na rin ng NFA Council ang pagtaas sa procurement price ng palay.

Sa bagong presyuhan na gagamitin ng NFA, P23 na ang kada kilong presyo para sa dry habang P19 para sa wet.