Tumaas ng 2.87 percent ang farm production rate ng bansa sa third quarter ng kasalukuyang taon.
Ito ay sa kabila na rin ng outbreak ng African swine fever (ASF) at mababang farm-gate prices sa bansa.
Ang naitalang panibagong record ay lagpas pa sa target ng Department of Agriculture (DA) na 2 percent hanggang 2.5 percent.
Nabatid na noong nakaraang taon, sa July-to-September period, 0.87 percent lamang ang annualized rate ng farm production.
Batay sa datos ng PSA, ang crop production ay tumaas ng 2.01 percent sa kabila ng mahinang performance ng rice industry.
Nabatid na ang unhusked rice production ay bumaba ng 4.53 percent dahil na rin sa naging problema sa kakulangan ng water supply.
Nakabawi naman ang corn industry mula sa mahinang performance nito noong nakaraang taon sapagkat ang annualized rate ng production dito ay tumaas ng 23.47 percent.
Sa third quarter ng 2019, ang corn production ay umakyat sa 2.723 million metric tons mula sa 2.205 million metric tons noong 2018.
Dahil sa pagbabagong ito, sinabi ni Agriculture Sec. William Dar na ipagpapatuloy ng kanilang ahensya ang implementasyon ng mga programa at proyekto na epektibong nakakatulong sa paglago ng agriculture sector.










