-- Advertisements --

Idineklara ng Commission on Elections (Comelec) ang failure of elections sa 14 na barangay sa Lanao del Sur.

Base sa inilabas na memorandum, hiniling ni Deputy Director Executive for Operations Teopisto Elnas Jr. ang pagsasagawa ng special elections sa 14 barangay sa munisipalidad sa Tubaran, Binidayan at Butig, Lanao del Sur.

Inirekomenda ng opisyal na isagawa ang special elections sa 12 barangay sa Tubaran sa Mayo 12 habang ang isang barangay sa Butig at Binidayan naman ay sa Mayo 15.

Nakasaad sa naturang memorandum na bigo ang Armed Forces of the Philippines na mahanap ang stolen ballots sa Ragayan, Butig at isa namang police ang nasaksak habang pinoprotejtaha nito ang vote counting machines (VCMs).

Samantala, ang naitalang violence naman na nagresulta sa pagkasira ng VCMs at official ballots ang dahilan ng pagdedeklara ng failure of elections sa Pindolonan, Binidayan.

Nakapagtala din ng violence, threats at intimidation sa Tangcal, Datumanong, Guiarong, Baguiangun, Wago, Malaganding, Gadongan, Riantaran, Pagalamatan, Mindamunag, Paigoday-pimbataan, at sa Metadicop sa Tubaran.

Ayon kay Comelec chairman Saidamen Pangarungan, kanilang ipaparating ang naturang insidente sa en banc para sa posibleng aksyon ng poll body sa naturang mga kaso.

Sa araw ng eleksyon, nakapagtala ang AFP ng 15 insidente ng election related violence kabilang na dito ang ilang insidente ng pamamaril at pambobomba.