Sinampahan ng Office of the Ombudsman ng siyam na bilang ng kasong graft sa Sandiganbayan si Tarlac 3rd District Representative Noel “Bong” Rivera ngayong araw, Agosto 7.
Kinumpirma ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ang pagsasampa ng mga kaso dahil sa conflict of interest may kaugnayan sa anomalya sa mga flood control at infrastructure projects sa lalawigan.
Tinagurian din si Rivera na “congtractor.” Ayon sa imbestigasyon ng grupong United Pilipino Against Crime and Corruption (UPACC), si Rivera at ang kanyang asawa na si Concepcion Vice Mayor Evelyn Rivera ay nagmamay-ari ng Tarlac 3G Construction & Development Corporation. Ang kumpanyang ito ay nagwagi at nabigyan ng mga kontrata ng gobyerno para sa mga flood control projects sa Tarlac na nagkakahalaga ng mahigit P600 milyon, na siya mismo ang pumirma.
Ang siyam na kaso ay pormal nang inihain sa Sandiganbayan at na-raffle na sa anim na iba’t ibang dibisyon (First, Second, Fourth, Fifth, Sixth, at Seventh divisions) ng anti-graft court upang dinggin.
















