Itutuloy ang regular na on-site classes sa Batangas City Integrated High School (BCIHS) bukas, Hunyo 30, matapos kanselahin ang klase nitong Lunes, Hunyo 29, bunsod ng natanggap na banta ng pamamaril sa paaralan.
Sa inilabas na pahayag ng Principal ng Integrated school, sinabi nitong nakapagsagawa na ang paaralan ng kinakailangang security protocols sa pakikipagtulungan sa Pamahalaang Lungsod ng Batangas at mga kinauukulang awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, kawani, mga magulang, at iba pa.
Tiniyak din ng pamunuan ng paaralan at ng Pamahalaang Lungsod ng Batangas na ligtas nang makakabalik ang mga estudyante at guro sa paaralan.
Sinabi rin ng punongguro na magpapatuloy ang regular classes simula Martes, maliban na lamang kung may panibagong abiso na ilalabas ang BCIHS.
Hiniling din ng paaralan na magtiwala sa pamunuan nito, sa Pamahalaang Lungsod, at sa mga awtoridad at nagpaalala na iwasang magbahagi o magpakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon na maaaring magdulot ng takot sa mga mag-aaral at magulang.
Nagbabala din ang mga awtoridad sa mga gumagawa, nagpapadala, at nagpapakalat ng mga mensaheng naglalaman ng banta, partikular ng pamamaril, ay isang seryosong paglabag at maaaring magresulta sa kaukulang disciplinary action alinsunod sa mga umiiral na batas ng bansa.
Samantala dalawang Grade 10 student ang kasalukuyang iniimbestigahan ng mga awtoridad kaugnay ng pagbabanta ng pamamaril at pananaksak sa loob ng paaralan.
Ayon kay Batangas City Police Chief Col. Ira Morello, isang video sa social media ang kumalat na nagpakita ng isang .45 caliber na baril sa isang group chat. Maririnig din sa video ang isang boses na nagsasabing, “Papatayin ko kayo.”
Lumalabas din sa paunang imbestigasyon ng pulisya na hindi ito ang unang pagkakataon na may naitalang kahalintulad na pagbabanta na ang paaralan.









