-- Advertisements --

ROXAS CITY – Matapos ang kumpirmasyon ni Department of Health Secretary Francisco Duque III na may unang kaso ng Novel Coronavirus (NCOV) na naitala sa Pilipinas, ay nagkaubusan na ang mga face mask sa Roxas City at lalawigan ng Capiz.

Maliit o malaking drugstore sa ngayon ay wala nang supply ng face mask at may inilagay pa silang karatula sa gilid ng botika na facemask is out of stock.

Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas sa isang empleyado ng drugstore, sinabi nito na simula pa kagabi ay naubos na ang kanilang face mask, dahil ang iba ay bumibili ng ilang boxes para diumano sa proteksyon ng kanilang pamilya sakaling umabot sa Capiz ang NCOV.

May iba rin aniya na bumibili ng 20 hanggang 50 boxes at pinapadala nila sa kanilang mga kamag-anak sa Maynila o sa ibang bansa, dahil wala na silang mapagkunan ng face mask.

Hindi rin masagot ng mga empleyado ng mga botika sa Roxas City ang tanong ng kanilang mga customer kung may darating pa silang supply ng face mask, dahil sa ngayon ay wala rin silang natatangap na reply sa kanilang mga inorder.