Pinarerekonsidera ni House Deputy Speaker Rufus Rodriguez sa Department of National Defense (DND) ang desisyon nitong ibasura ang kasunduan sa University of the Philippines na nagbabawal sa pagpasok ng military at pulis sa campus nang walang pahintulot ng mga opisyal ng UP.
Iginiit ni Rodriguez na may kaakibat na chilling effect sa academic freedom, freedom of speech, at freedom of assembly ang naging desisyon ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na ibasura ang UP-DND Accord.
Sa halip na pagkatiwalaan, posible aniyang kabaligtaran ang mangyari para sa mga uniformed personnel ng pamahalaan dahil sa naging hakbang ng DND sa naturang kasunduan.
Nangangamba si Rodriguez sa posibilidad na humantong ang mga political dissenters sa extremism, salungat sa nais maiwasan ng DND sa unilateral abrogation na ginawa nila.
Naniniwala naman ito na makikinig sina UP president Danny Concepcion at iba pang mga opisyal ng UP kapag matuloy ang kanilang pag-uusap sa mga DND officials, para makabuo ng refinements o pagbabago sa UP-DND Accord.










