Binigyang diin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na umaasa sila na ang extended producer’s responsibility (EPR) law ay makatutulong na mabawasan ang dami ng solid waste sa ating bansa.
Nais ng departamento na bawasan ng mga kumpanya ang produksyon ng plastik sa ilalim ng extended producer’s responsibility bill.
Ito’y matapos sabihin kamakailan ng Commission on Audit (COA) na naobserbahan nito ang “steady increase” sa solid waste generation sa bansa sa paglipas ng mga taon.
Sinabi ni DENR Undersecretary Jonas Leones na parehong may mahalagang papel ang mga local government unit at plastic producer sa pamamahala ng basura sa bansa.
Aniya, ang DENR ay patuloy na magbibigay ng technical assistance sa mga producer habang isinasagawa nila ang kanilang EPR program.
Ang pagbuo ng solid waste ay patuloy na tumaas sa paglipas ng mga taon, sa kabila ng pagpasa noong 2001 ng Republic Act No. 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act.
Una nang tinukoy ng mga state auditors ang hindi pantay na pagpapatupad ng paghihiwalay ng basura at paglilipat ng basura, na humantong sa pagtaas ng produksyon ng basura sa ating bansa.










