-- Advertisements --

Pormal na dumulog sa Court of Appeals (CA) si dating Presidential Spokesperson Harry Roque upang humingi ng temporary restraining order (TRO) na pipigil sa pagkakansela ng kanyang pasaporte at sa pagdedeklara sa kanya bilang fugitive from justice.

Sa inilabas na pahayag ng kanyang kampo nitong Biyernes, layunin ng hinihinging TRO na harangin ang implementasyon ng kautusan mula sa Pasig City Regional Trial Court (RTC).

Noong Nobyembre 2025, ipinag-utos ng Pasig court ang pagbawi sa pasaporte ng dating opisyal sa gitna ng kinakaharap nitong kasong human trafficking na nag-ugat sa operasyon ng Lucky South 99, isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Pampanga.

Iginiit ni Roque na nakagawa ng grave abuse of discretion ang nakababbang korte, at nilabag nito ang kanyang karapatan sa due process, presumption of innocence, at freedom of travel.

Dagdag pa ng dating kalihim, walang basehan sa ilalim ng New Philippine Passport Act ang naging hakbang ng korte.

Pinabulaanan din niyang isa siyang fugitive o pugante dahil lisanin umano niya ang bansa bago pa man pormal na maisampa ang mga kaso laban sa kanya.

Kasabay ng kanyang apela sa CA, kinumpirma ng kampo ni Roque na patuloy itong humihingi ng asylum sa Europa.

Una na siyang nagtungo sa The Netherlands, ngunit sinabi ng mga otoridad doon na nasa kamay ng gobyerno ng Austria ang pagdedesisyon sa pagbibigay sa kanya ng proteksyon dahil sila ang nag-isyu ng kanyang visa.

Matatandaan na noong buwan ng Marso, ibinasura ng Korte Suprema ang hiwalay na petisyon ni Roque na kumukuwestiyon sa arrest order laban sa kanya mula sa House Quad Committee kaugnay ng imbestigasyon sa mga POGO, at idineklarang moot na ang usapin.