Umaasa ang dating senador na si Antonio Trillanes IV na magtutuloy-tuloy na ang ‘impeachment’ laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang panayam, kanyang ibinahagi ang kahilingan na dumiretso nang matanggal o mabuwag ang pwersa ng pamilya Duterte sa nasyunal na panunungkulan.
Nais aniyang mamulat na ang taumbayan sa totoong pagkatao umano ng mga Duterte at matigil na ang pagpapanggap raw ng mga ito bilang simpleng mamamayan lamang.
Paratang niya’y makikita sa naganap na pagdinig ng House Justice Committee ang pagiging sangkot ni Vice President Sara Duterte sa korapsyon at pati pagtanggap ng pamilya ng pera mula sa ilegal na droga.
Habang sa panayam naman kay Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno, kanya ring ikinatuwa na hindi naudlot ang ikatlong pagdinig ng House Justice Committee ukol sa impeachment.
Mayroon kasing mga nakabinbin pang petisyon sa Kataas-taasang Hukuman na may hiling mag-isyu ito ng Temporary Restraining Order para pigilan ang komite.
Hinaing ni former Senator Trillanes na huli na ang kumpirmasyon ng Anti-Money Laundering Council o AMLC sa kanyang mga rebelasyon kontra sa pamilya Duterte.
‘Insignificant’ o wala na umanong halaga ang patoto sapagkat marami na aniyang nangyari at idinulot na epekto sa mga nagdaang taon.
Tugon naman ni Vice President Sara Duterte na malinis ang kanyang ‘service record’ at hindi kailanman umano nagkaroon ng kaso sa paggamit ng pondo ng bayan.















