Nasa maayos na umanong kalagayan si dating Pangulong Rodrigo Duterte, makaraang madulas ito habang nasa kwarto ng kanilang bahay sa Davao City nitong nakalipas na araw.
Ayon kay Sen. Christopher “Bong” Go, maayos naman ang resulta ng X-ray ng dating presidente.
Pero makikita pa rin sa mga larawan na gumagamit ito ng tungkod sa kaniyang paglalakad.
Nabatid na aksidenteng nadulas si Duterte, kaya naman sinamahan siya ni Sen. Go sa Davao Doctors Hospital para sumailalim sa pagsusuri.
Ayon kay Sen. Go, nagpapasalamat siya sa Diyos dahil walang anumang kumplikasyon at nasa maayos ang lagay na ngayon ng dating punong ehekutibo.
Sa kabila ng pangyayari, game na game pa rin ang dating opisyal sa pakikipag-picture sa ilang medical frontliners at staff sa ospital.