Nanindigan si dating Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde na hindi siya makikipag-tulungan sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) maliban na lamang kung may direktang kautusan mula sa Department of Justice.
Saad din ng dating police official na personal niyang desisyon na tumangging makapanayam ng mga imbestigador ng ICC sakaling siya ay imbitahan.
Naniniwala rin ito na wala ng dapat sabihin pa sa ICC dahil ang mga alegasyon ng drug war abuses ay iniimbestigahan na aniya ng Kongreso habang ang ilan naman ay nakabinbin sa mga korte sa bansa.
Iginiit din niya na hindi kailanman tinangkang i-justify ng pambansang pulisya ang mga pagpapatay sa ilalim ng madugong drug war dahil sila ay ‘pro-life’.
Hindi din aniya nagkaroon ng police abuse o impunity mula ng simula ang kampaniya kontra ilegal na droga dahil sinasabihn nila ang kapulisan na sundin ang batas.
Pinuna din ni Albayalde si dating Senator Antonio Trillanes sa pagbabahagi ng confidential document mula sa ICC na nag-tag sa kaniya bilang isa sa mga suspek sa war on drugs ng nakalipas na Duterte administration kasama sina Senator at dating PNP chief Ronald Dela Rosa at iba pang dati at aktibong opisyal ng PNP.
Kinuwestyon din ni Albayalde ang awtoridad ng dating Senador na mayroon ito mula sa ICC para isapubliko ang isang highly-classified document.
Batay sa datos mula sa gobyerno, nasa 6,181 indibidwal ang napatay sa war on drugs ng administrasyon ni dating Pang. Rodrigo Duterte na ayon naman sa humaan rights group ay mas mataas pa dito na papalo sa 30,000 ang maaaring napatay kung saan ilan sa mga ito ay inosenteng biktima.