Naniniwala si dating vice presidential spokesperson Barry Gutierrez na lalabas din ang katotohanan sa likod ng umano’y pekeng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay matapos na magpasya ang House Committee on Dangerous Drugs na imbitahan ang dating economic adviser at malapit na kaibigan ni Duterte na si Michael Yang na umano’y sangkot sa nasamsam na P3 billion halaga ng iligal na droga noong 2023 sa Mexico, Pampanga.
Sang-ayon din ang dating mambabatas kay dating Senator at hayagang kritiko ng dating Pangulo na si Leila de Lima na nagpahayag ng suporta sa House panel.
Sinabi din ni Gutierrez na susunod na sisingilin ang mga kasabwat tulad ng gagawin sa International Criminal Court (ICC).
Tinutukoy ng dating opisyal ang inaasahang pagbaba ng hatol ng ICC kaugnay sa kasong crimes against humanity laban sa dating pangulo at iba pang kapwa akusado kabilang si dating PNP chief at kasalukuyang Sen. Ronald dela Rosa.
Sa hiwalay na statement naman, sinabi ni De Lima na dapat ding mabunyag ang ugnayan sa pagitan ng Chinese syndicate, drug trading at Davao Mafia sa imbestigasyon ng Kamara.
Dagdag pa ng dating Senadora na ang drug war ng dating pangulo ay pawang panakip lamang sa monopolyo ng Davao mafia kaugnay sa kalakalan ng ilegal na droga sa bansa gaya ng ginawa ng kaniyang dating economic adviser.
Ipinunto din ni De Lima na sangkot si Yang sa multi-bilyong Pharmally deal scandal sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Una rito, lumutang ang pangalan ni Yang sa pagdinig ng Kamara matapos malaman ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers na ang kanyang interpreter na si Lincoln Ong ay isang incorporator sa isang kumpanyang diumano’y konektado sa ibang mga kompanya kabilang ang Empire 999 na nagmamay-ari ng bodega sa Pampanga kung saan inimbak ng naturang mga iligal na droga.