-- Advertisements --
image 373

Inamin ng dating aide ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at whistleblower na si Jeffrey Tumbado na prinessure lamang siya para baliktadin ang kaniyang alegasyon kaugnay sa korupsiyon sa loob ng ahensiya at nanindigan sa kaniyang naunang pahayag.

Ibinunyag ni Tumbado na nilapitan umano siya ni dating LTFRB chair Teofilo Guadiz III dalawang araw matapos na bawiin ang kaniyang mga alegasyon.

Dito, humingi umano ng tawad sa kaniya si Guadiz at nagmamakaawang ibalik ang kaniyang reputasyon at karera. Bukod dito ay nakakatanggap din si Tumbado ng pressure mula sa mga tao sa kaniyang panig kabilang na ang kaniyang pamilya at mga pumapanig kay Chairman Guadiz.

Ngayong araw ng Biyernes mahigit isang linggo na matapos na mag-recant o bawiin ang kaniyang pagbubunyag at humingi ng tawad kay dating LTFRB chair Teofilo Guadiz III, nanindigan si Tumbado na maraming mga opisyal ng LTFRB ang sangkot sa corrupt practices.

Nauna ng isiniwalat ni Tumbado ang korpupsiyon sa loob ng LTFRB kung saan umaabot sa P5 million ang ginagastos ng operators upang makapag-secure lamang ng approval mula sa mga opisyal ng ahensiya para sa kanilang mga ruta, prangkisa, special permits at iba pa para lamang mapabilis ang proseso ng kanilang request.

Maliban pa kay Guadiz, ibinulgar din ni Timbado na sangkot din ang iba pang executives mula sa Department of Transportation at Malacanang.

Samantala, nagpahayag naman ng pangamba ang dating opisyal kaugnay sa seguridad nito at ng kaniyang mahal sa buhay.

Noong Lunes, nabigong humarap si tumbado sa NBI para sagutin ang mga katanungan kaugnay sa kaniyang mga alegasyon at humiling ng karagdagang panahon para makakuha ng kaniyang bagong abogado.