-- Advertisements --

Dinipensahan ni dating House Speaker at kasalukuyang Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez ang panibagong isinusulong na paghihiwalay sa Mindanao mula sa Pilipinas matapos tutulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at tinawag ang naturang hakbang na pagyurak sa konstitusyon.

Inihayag naman ni Alvarez na isang mapayapa at maayos na advocacy campaign ang kanilang itinutulak para sa kasarinland ng Mindanao taliwas sa claims ng ilan na rebelyon o seditious o paglaban sa pamahalaan ang kanilang ginagawa kundi idadaan nila ito sa legal na proseso.

Saad pa ng dating House Speaker na ang naturang hakbang ay isang lehitimo at lawful exercise ng kanilang constitutional rights sa freedom of expression, assembly at organization.

Matatandaan na una ng pinalutang ng kauna-unahang Pangulo ng PH mula sa Mindanao na si dating Pang. Rodrigo Duterte ang ideya ng paghihiwalay sa Mindanao mula sa Republika ng Pilipinas sa pamamagitan ng peoples’ initiative na papangunahan ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez sa naging isang press conference sa Davao city noong Enero 30, 2024.

Ito ay dahil sa kawalan ng development sa Mindanao kahit na ilang taon na ang nakalipas na nagtulak sa dating pangulo para buhayin ang panawagang ihiwalay ang isla mula sa PH.

Subalit nagpahayag ng pagtutol si PBBM nitong Huwebes sa panawagan na ihiwalay ang Mindanao at hinimok ang mga proponents o nagsusulong na itigil ito.