-- Advertisements --
Tina Canda

Kinumpirma ngayong araw ng Department of Budget and Management (DBM) na pumanaw na si dating DBM Undersecretary Tina Rose Marie Canda sa edad na 61.

Ayon sa DBM, pumanaw si Canda nitong gabi ng Miyerkules, Agosto 23, na mismong araw ng kaniyang ika-41 taon sana sa serbisyo.

Inilarawan din ng ahensiya ang dating opisyal na isang huwaran ng pambihirang pagseserbisyo publiko at mananatili habambuhay sa puso ng bawat empleyado ng ahensiya sa pagpapatuloy ng epektibo at episyenteng pamamahala at paggamit ng mga resources ng pamahalaan.

Sa naging mensahe naman ni DBM Secretary Amenah Pangandaman sa pagpanaw ni Canda, sinabi nito na sa kabila ng pagkakadiagnose sa dating opisyal ng Stage 4 cancer, ipinagpatuloy pa rin nito ang paggampan ng kaniyang trabaho at masigasig na dumalo sa mga pagdinig ng Kongreso noong 2022.

Matatandaan, nagsilbi si USec. Tina sa DBM sa loob ng apat na dekada. Mula sa pagiging Budget Analyst at Division Chief, naging Undersecretary for Budget Preparation and Execution at naglingkod din bilang OIC Secretary ng DBM sa kasagsagan ng COVID-19 transition period.