-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Desidido ang pamilya ng isang babae na sampahan ng kaso ang isang ex-convict matapos itong nagtangkang manggahasa at sinaksak ang kanilang kaanak ng maraming beses.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay alyas Jane, kapatid ng sinaksak na biktimang si alyas Cherry, na labis ang kanilang gulat nang tinadtad ng saksak ang kaniyang ate ng 15 beses matapos umano itong manlaban sa suspek na si Miguel Ramonal Beghanilum.

Plano kasi ng suspek na siya sana ang magiging target nito ngunit nakitulog ito sa kaniyang pinsan habang nasa bahay naman ang kaniyang ate nang mangyari ang insidente.

Kaagad namang nahuli ng Polomolok PNP si Beghanilum sa bahagi ng Prk. Maria Rosa, Brgy. Poblacion sa naturang bayan sa isinagawang manhunt operation.

Balik-kulungan ngayon ang suspek kung saan dati rin itong nahaharap sa kasong murder ngunit nakalaya lamang dahil sa parole.

Samantala, nananatiling kritikal ang kalagayan ni Cherry dahil sa mga natamo nitong saksak sa katawan.