Matagumpay ng nailipat si Former Negros Oriental Representative Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr. ng kustodiya buhat ng maglabas ng kautusan ang isang korte sa Maynila.
Kung saan mula Building 14 ng National Bureau of Investigation detention facility sa Muntinlupa City, siya ngayon ay nasa kulungan na ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP compound ng Camp Bagong Diwa sa lungsod ng Taguig.
Isinagawa ang naturang paglilipat ng kustodiya matapos mag-isyu ang Manila Regional Trial Court Branch 51 ng ‘commitment order’ na siyang nag-atas sa National Bureau of Investigation na sundin ito.
Kaya’t ang naturang kawanihan ay sinunod ang direktibang ito ng korte at agarang idinala ang dating kongresista sa Metro Manila District Jail, Annex 2 BJMP Compound sa Taguig.
Maaalala na naghain ng mosyon ang kampo ni dating Negros Oriental Representative Arnie Teves Jr. upang hindi na mailipat ng kulungan ngunit ito’y hindi pinaburan ng korte.
Kaya’t natuloy pa rin itong dalhin sa ibang kulungan kasabay ng kanyang mga kinakaharap pang mga kaso tulad ng pagpatay o murder.
Ang naturang korte na nag-utos na mailipat ito ay ang Manila Regional Trial Court Branch 51 na siya namang may hawak sa kasong kaugnay ng madugong pagpaslang kay former Negros Oriental Governor Roel Degamo.