Naka-intubate na umano si dating Commission on Elections (Comelec) chairperson Sixto Brillantes Jr. makaraang makumpirma na nagpositibo ito sa COVID-19.
Pahayag ito ng kanyang anak na si Zeena Brillantes na ipinost sa social media.
Ayon kay Zeena, nagdesisyon na raw ang mga doktor na i-intubate na ang kanyang ama dahil hindi stable ang oxygen level nito sa katawan.
Ito umano ay sa kabila ng iba’t ibang uri ng paggamot sa nakatatandang Brillantes kabilang ang convalescent plasma treatment.
Sa ngayon, sinabi ni Zeena na dasal ang kanilang hiling sa publiko para sa agarang paggaling ng ama.
Hulyo 18 nang dalhin sa Medical Center Manila ang dating pinuno ng Comelec matapos lagnatin noong Hulyo 16.
Noon namang Hulyo 22 nang makumpirmang positibo ang 80-anyos na si Brillantes sa COVID-19.