Pinakakasuhan ngayon ng Department of Justice si dating Bureau of Corrections chief Gerald Bantag at Deputy Officer nitong si Ricardo Zulueta matapos makitaan ng probable cause ang reklamong inihain laban sa kanila kaugnay sa insidente ng pananaksak sa dalawang gang leaders sa loob ng New Bilibid Prison.
Ito ang inihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa isinagawang press conference kahapon sa tanggapan ng Department of Justice.
Nag-ugat ang reklamong ito matapos na umano’y saksakin ni Bantag ang dalawang Person’s Deprived of Liberty na sina Ronald Usman at Jonathan Escopete.
Batay sa imbestigasyon, ipinatawag umano ni Bantag ang dalawa sa kanyang opisina noong February 1,2022 kasama ang iba pang Persons Deprived of Liberty commanders sa loob ng New Bilibid Prison.
Sinaksak umano ni Bantag si Escopete sa kaliwang hita habang si Usman naman ay sinaksak sa kanang kamay dahilan upang maparalisa ang gitnang daliri nito.
Sa resolusyon na inilabas ng DOJ prosecutors, nakitaan ng probable cause para kasuhan si Bantag ng 2 counts ng Physical Torture ,mental/psychological torture at 2 counts ng serious physical injuries.
Samantala,pinakakasuhan naman si Ricardo Zulueta dahil sa pagiging kasangkapan nito aa naturang insidente ng pananaksak.
Nakatakda namang ihain ang nasabing mga kaso sa Muntinlupa Regional Trial Court ayon sa Department of Justice.