LA UNION – Arestado ang isang ex-Barangay Kagawad at itinuturing na Top No. 6 drug personality sa municipal level sa Naguilian, La Union sa isinagawang buy bust operation ng mga otoridad sa Barangay Bancagan ng naturang bayan.
Ang suspek ay nakilala sa pangalang Randy Gurion, 33-anyos, residente ng nabanggit na lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo La Union kay PMaj Judy Calica, hepe ng Naguilian Police Station, sinabi nito na kinumpiska nila mula sa suspek ang dalawang sachet ng umano’y shabu, P500 buy bust money, P1,500, cellphone, at motorsiklo na ginamit sa iligal na transaksiyon.
Ayon pa kay Maj. Calica, dati nang nahuli at nakulong ang suspek at kalalabas lamang ng piitan noong buwan ng Mayo.
Ngunit ipinagpatuloy umano nito ang pagiging pusher at user, base sa surveillance ng mga otoridad.
Ang suspek ay muling nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.