-- Advertisements --

MANILA – Hinimok ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. ang stakeholders ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na maghain ng reklamo tungkol sa umano’y maling paggamit nito sa kanilang pondo.

Ito ang hamon ng opisyal sa gitna ng kabi-kabilang pag-kwestyon sa paggamit ng NTF-ELCAC sa alokasyon nitong P19-billion sa ilalim ng national budget.

“It is fairly easy to make speculations thus far on misuse of the BDP funds, but to substantiate allegations is a matter that requires comprehensive investigations altogether,” ani Esperon sa isang statement.

Ang pahayag ng kalihim ay bunsod din ng mga reklamo tungkol sa umano’y hindi wastong paggamit ng NTF-ELCAC sa pondo nitong nakalaan para sa Barangay Development Program (BDP).

“Nevertheless, I implore all the concerned stakeholders and the general public to understand the import of what the NTF-ELCAC and the BDP seek to accomplish,” dagdag ng kalihim.

Pinutakte ng kritisismo ang NTF-ELCAC nitong linggo matapos ang lantarang red-tagging nito sa mga nagsulputang community pantry.

Mismong ang mga spokesperson nito na si Lt. Gen. Antonio Parlade at Communications Usec. Lorraine Badoy ang nag-aakusa sa ugnayan ng mga organizers ng community pantry sa rebeldeng grupo.

Ito’y kahit wala naman silang matibay na ebidensya sa kanilang akusasyon. Gayundin na aminadong nag-depende lang sila sa mga online posts.

Ilang mambabatas na sa Senado at Kamara ang nananawagang bawiin ang budget ng NTF-ELCAC.

“Allow me to reassure the public that the package of programs under the BDP are released following the stringent evaluation of the government agencies concerned. The following update might be of interest to many,” ani Esperon.

Hindi ito ang unang beses na nasangkot sa walang basehan na red-tagging ang naturang task force.