-- Advertisements --

Nilinaw ni Sen. Francis “Chiz” Escudero na walang kinalaman sa anumang uri ng political accommodation o kapalit na pabor ang kanyang pagdalo sa plenaryo noong Hunyo 3 at ang sumunod niyang pakikibahagi sa hanay na kinikilala bilang bloc ni Sen. Sherwin Gatchalian.

Ipinaliwanag ni Escudero na ang kanyang pagdalo ay nakabatay sa obligasyon ng Senado na magdaos ng sesyon alinsunod sa Saligang Batas, matapos ang ilang araw na hindi pag-usad ng plenary dahil sa kakulangan ng quorum.

Ayon sa senador, malinaw sa Konstitusyon na hindi maaaring magpatuloy ang pagkaantala ng sesyon nang lampas sa itinakdang limitasyon nang walang pahintulot ng Mababang Kapulungan, kaya’t kinailangan umanong magtipon muli ang mga senador.

Binigyang-diin din niya na hindi dapat ikabit sa mga kasong kanyang kinahaharap sa Office of the Ombudsman ang kanyang mga naging hakbang sa loob ng Senado kung saan hahaharap ang senador sa mga reklamong plunder, graft, at malversation kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects, na may alegasyong umabot sa ₱586 milyon ang kickbacks.

Giit ni Escudero, kung may direktang impluwensya ang mga kasong ito, sana ay matagal nang nagbago ang direksyon ng mga isyu laban sa kanya.

Nilinaw rin ng senador na ang mga posisyon at galaw ng Senado ay hindi dapat iugnay sa anumang impluwensya mula sa ehekutibo, dahil nananatili itong isang malayang sangay ng gobyerno.

Ang pagdalo ni Escudero sa sesyon noong Hunyo 3 ang naging susi upang makabuo ng quorum ang Senado matapos ang ilang araw na hindi pag-usad ng plenary proceedings.

Mula rito ay umusbong ang muling pag-aayos ng liderato sa Mataas na Kapulungan, kung saan kinilala ng ilang senador ang pamumuno ni Gatchalian bilang acting Senate President, batay sa mga umiiral na desisyon ng Korte Suprema at mga naunang precedent ng Senado.

Gayunman, hindi ito tinanggap ng kampo ni Senate President Alan Peter Cayetano, na nanindigan sa kasalukuyang liderato at pagpapatuloy ng kanilang hawak na mga komite.

Sa ngayon, nananatiling hati ang Senado sa usapin ng pamumuno habang patuloy ang tensyon sa loob ng institusyon.