
Sinisi ni Romblon lone district Representative Eleandro Jesus Madrona ang Energy Regulatory Commission (ERC) dahil sa umano’y kabiguan nitong aksyunan ang kahilingan ng National Power Corporation (Napocor) na ayusin ang singil sa kuryente na nagresulta sa 20 oras kada araw na pagkawala ng kuryente sa Occidental Mindoro.
Sa isang pahayag, sinabi ni Cong. Madrona na ang Occidental Mindoro Consolidated Power Corp. (Omeco) ay hindi nakapag suplay ng sapat na kuryente dahil sa hindi nababayarang subsidiya ng Napocor.
Ito ay dahil hindi pa umano inaprubahan ng ERC ang kahilingan ng Napocor.
Una ng ibinunyag ni Occidental Mindoro Governor Eduardo Gadiano noong Biyernes na isinailalim sa state of calamity ang kanilang lalawigan dahil sa pagkawala ng kuryente nitong nakalipas na isa’t kalahating buwan.
Sinabi din ng Gobernador na ang problema ay nagmumula sa kakulangan ng pondo ng Omeco sa pagbili ng gasolina dahil hindi pa ito nakakatanggap ng subsidya mula sa gobyerno sa pamamagitan ng Napocor.
Aniya, ang kabiguan ng ERC na tugunan ang mga isyu na nagdulot ng araw-araw na brownout ay maaaring lumawak pa sa iba pang maliliit na isla na sineserbisyuhan ng Small Island Power Utilities Group tulad ng Palawan, Mindoro, Masbate, Romblon, at Catanduanes.
Sa panig naman ng ERC, itinaggi ni Chairperson Monalisa Dimalanta ang pahayag na hiniling ng Napocor sa ERC na ayusin ang singil sa kuryente sa lalawigan.
Wala aniyang nakabinbing request ang NPC para ayusin ang rate ng kuryente sa naturang lalawigan.
Sinabi ni Dimalanta na inutusan ng Energy department ang Napocor na magbayad batay sa mga naaprubahang rate ngunit kulang ito sa pondo.
Samantala, upang malutas ang problemang ito, iminungkahi ni Center for Energy, Ecology and Development Executive Director Gerry Arances na gamitin ng local government unit ang renewable energy sa pamamagitan ng solar power systems.
Sa ilalim kasi ng Renewable Energy Law, lahat ng LGU ay maaaring mag-set up ng kanilang sariling 1 megawatt mula sa planta para sa kanilang sariling paggamit. Maaari nilang ibigay ang 30% nito sa electric cooperative o distribution utility.
Sinabi din ng opisyal na kailangan ng magkaroon ng transition plan ang Occidental Mindoro dahil dependent ito sa diesel na sobrang mahal kayat hindi nababayaran na isang malaking dahilan ng problema ng malalang brownout ngayon sa lalawigan.









