Iminungkahi ni Department of Agriculture Sec. William Dar na magkaroon ng engineering interventions sa Cagayan River at reforestation sa mga watersheds upang maprotektahan ang mga taniman mula sa mga pagbaha.
Ginawa ni Dar ang naturang pahayag ilang araw matapos na bahain ang probinsya ng Cagayan at Isabela nang umapaw ang Cagayan River dahil sa maraming tubig na pinakawalan ng Bagyong Ulysses sa Luzon, na siyang dahilan naman para sa pagpapakawala ng tubig mula sa reservoir ng Magat Dam.
Ayon kay Dar, sakaling walang engineering interventions tulad ng dredging, at reforestation efforts, ay maaring taon-taon na poproblemahin ang mga pagbaha sa iba’t ibang lugar.
Bukod sa pagtatanim ng mga punong kahoy, sinabi ng kalihim na mainam na magtanim din ng mga fruit-bearing trees at kawayan para sa gagawing reforestation.
Inirekomenda rin nito na gawing prayoridad sa reforestation ang mga lugar na nakakasakop sa 18 watersheds upang matiyak lang na ang mga taniman malapit sa mga dam ay hindi maapektuhan ng mga pagbaha kapag magpapakawala ng tubig ang mga ito.
Gayunman, aminado ang kalihim na mahabang panahon at malaking pondo ang kakailanganin para makamit ang kanyang mungkahi.










