
Tinapos na rin ng gobyerno ng Pilipinas ang engagement ng bansa sa International Criminal Court (ICC) kasunod ng pagbasura sa apela ng bansa na itigil ang pagpapatuloy ng imbestigasyon sa madugong war on drugs ng Duterte administration.
Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra, pumayag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na itigil na ang engagement ng bansa sa tribunal.
Inantay lamang kasi aniya ng gobyeno ng Pilipinas ang desisyon ng ICC Appeals Chamber.
Matatandaan na noong araw ng Martes, Hulyo 18 nang magpasya ang Appeals Chamber ng ICC na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa war on durgs sa bansa.
Samantala, pinayuhan naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senator Ronald Bato Dela Rosa na nagsilbi noon bilang unang Philippine National Police sa ilalim ng Duterte admin nang ilunsad ang war on drugs, na huwag bumiyahe sa mga bansa kung saan mayroong impluwensiya sa judicial system ang ICC.
Dahil walang police force ang ICC, nakadepende aniya ito sa state cooperation para sa pagaresto o pagsuko ng mga suspek.
Base kasi sa ICC, ang mga bansa na kabilang sa Rome Statute ay dapat na makipagtulungan sa korte sa imbestigasyon at paglilitis ng mga krimen sa ilalim ng hurisdiksiyon ng korte.
Nasa kabuuang 123 bansa ang state parties sa Rome Statute kung saan hindi na miyembro dito ang Pilipinas matapos na kumalas sa ilalim noon ni dating Pangulong Duterte.










