-- Advertisements --

Sa ikatlong araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ipinalabas ang isang video clip ng emosyonal na press conference ni Atty. Zuleika Lopez noong Nobyembre 23, 2024.

Ginamit ito ni Defense Counsel Atty. Carlo Joaquin Narvasa sa kanyang cross-examination kay National Bureau of Investigation (NBI) Senior Agent John Mark Calilung upang usisain ang konteksto at kredibilidad ng isinagawang open-source investigation ni Calilung sa gitna pa rin ng pagtalakay sa Article 4 ng Articles of Impeachment.

Sa ipinakitang video clip habang nagtatanong si Atty. Narvasa kay Agent Calilung, makikita ang emosyonal na si Usec. Zuleika Lopez, Chief of Staff ng Office of the Vice President na umiiyak matapos siyang patawan ng contempt ng Kamara.

Ipinahayag niya ang matinding pangamba para sa kanyang buhay dahil sa banta ng paglipat sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City noon.

Sinita ng depensa ang mga nakasulat sa transcript na ginawa ni Calilung. Ipinunto ni Narvasa na may mga “loophole” o kulang na salita tulad ng “detainee” at “accused” na binitawan ni Lopez ngunit hindi nailagay sa opisyal na dokumento ng NBI.

Binigyang-diin din ng depensa na ang naging pahayag ni VP Sara Duterte hinggil sa umano’y “kill order” ay bunsod lamang ng emosyon at pag-aalala sa sinapit ng kanyang Chief of Staff, at hindi isang totoong kriminal na banta.

Humirit naman ng pagtutol si Private Prosecutor Amando Ligutan. Ayon sa prosekusyon, irrelevant ang pagtatanong ng depensa at sinabing maliit na bagay o “miniscule differences” lamang ang mga salitang itinuturo ng depensa at hindi nito nababago ang katotohanan na napanood at inimbestigahan mismo ni Calilung ang mismong video.