Binatikos nang matindi ni Elon Musk ang ipinanukalang spending bill ni U.S. President Donald Trump, na tinawag niyang isang “disgusting abomination.”
‘This massive, outrageous, pork-filled Congressional spending bill is a disgusting abomination,’ pahayag ni Musk sa kanyang post sa X (dating Twitter).
‘Shame on those who voted for it: you know you did wrong,’ dagdag pa nito.
Ang pahayag na ito ni Musk ay kasunod ng pag-alis ng tech billionaire bilang opisyal na empleyado ng gobyerno at pinuno ng Department of Government Efficiency (DOGE).
Maalalang dating malapit kay Trump si Musk kung saan nag-labas pa umano ang tech billionaire ng halos $300 million para sa naging kampanya ni Trump noong 2024 Presidential Elections.
Ngunit ngayo’y lantaran na ang hidwaan, lalo’t tinuligsa ni Musk ang panukalang batas na aniya’y magdadagdag ng $3 trillion sa utang ng gobyerno sa loob ng 10 taon habang binabawasan ang budget para sa kalusugan at pagkain.
Ayon pa sa tech billionaire, ang panukala ay magpapabigat aniya sa mamamayan ng Amerika.
Samantala bumuwelta naman ang White House at sinabing mananatiling buo ang suporta ni Trump sa tinawag niyang “one big, beautiful bill,” sa kabila ng pangunguyam ng dating kaalyado.