-- Advertisements --

Nagdaos ng kilos-protesta ang ilang miyembro ng grupong Kontra Daya sa labas ng punong tanggapan ng Comelec sa Intramuros, Manila, nitong Lunes lamang.

Layunin nitong ipanawagan na resolbahin na ng komisyon ang alegasyon nagkatoon ng dayaan noong 2022 elections, lalo na sa national level.

Ayon sa grupo, kailangang isagawa muli ng komisyon ang recount ng mga balota na una nang iminungkahi ni dating Department of Information and Communications Technology (DICT) acting Secretary Eliseo Rio Jr.

Pero wala namang malinaw kung sino ang papasan ng gastusin.

Bukod dito, huwag na rin daw sanang tanggapin pa ng Comelec ang ilang mga panlolokong isinasagawa hinggil sa People’s Initiative (PI) para mabago ang 1987 Constitution na pinangunahan naman ng grupong People’s Initiative for Modernization and Reform Action (PIRMA).

Hindi naman sang-ayon ang Kontra Daya sa bidding na isinasagawa ng poll body kung saan sangkot ang kontrobersyal na technology provider na Miru Systems para sa 2025 elections dahil kwestyonable umano ang kompanyang nasa likod nito.

Nagpatupad naman ng paghihigpit ang mga otoridad sa Intramuros dahil sa nasabing kilos protesta.