Makakaapekto hindi lamang sa buong energy sector kundi maging sa ekonomiya ng bansa sakaling matuloy ang extension ng “no disconnection” policy.
Ayon sa mga miyembro ng Power Bloc sa Kamara, bagama’t layon lamang ng polisiyang ito na bawasan ang financial burden ng mga electric consumers, dapat din aniyang ikonsidera naman dito ang epekto nito sa ekonomiya ng bansa.
Sinabi ni PHILRECA party-list Rep. Presley De Jesus na sakaling tumagal pa ang no disconnection policy na ito ng pamahalaan ay maapektuhan ng malaki ang financial stability ng lahat ng stakeholders sa energy supply chain, kasama na ang mga distribution utilties.
“If electricity consumers default on their utility bills payments, then, the distribution utilities will eventually default as well to its power suppliers,” dagdag pa ni De Jesus.
Iginiit naman ni Assistant Minority Leader Sergio Dagooc na kapag hindi mabayaran ng mga distribution utilities ang kanilang bayarin sa kanilang power suppliers kagaya ng mga generation companies, hindi rin mababayaran ng mga generation companies na ito ang kanilang mga financial obligations na kalaunan ay makakaapekto naman sa kanilang fuel o feedstock.
Bukod sa no disconnection policy, mayroon ding panawagan sa ngayon sa mga distribution utilities patungkol naman sa pagpapalawig sa grace period sa utility payments.
Ayon kay Ako Padayon Pilipino party-list Rep. Adriano Ebcas, magiging pahirap naman ito para sa mga electric cooperatives, na mga non-profit distribution utilities, para bayaran ang kanilang financial obligations sa mga power suppliers.










