-- Advertisements --

Nagbabala ang Second Congressional Commission on Education (EDCOM2) matapos lumabas sa pinakahuling survey ng Department of Science and Technology–Food and Nutrition Research Institute na patuloy na mataas ang bilang ng mga batang kulang sa nutrisyon sa bansa.

Batay sa resulta ng 2025 Updating Survey, nasa 25.3 porsyento o katumbas ng isa sa bawat apat na batang limang taong gulang pababa ang nakararanas ng stunting o mabagal na paglaki dahil sa kakulangan sa wastong nutrisyon.

Ayon sa EDCOM2, itinuturing itong malubhang isyu sa kalusugan ng publiko dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga apektadong bata.

Ipinaliwanag pa ng komisyon na ang epekto ng malnutrisyon ay hindi lamang nakikita sa pisikal na paglaki ng bata. Maaari rin itong makaapekto sa pag-unlad ng isip, kakayahang matuto, at kahandaan ng mga bata sa pagpasok sa paaralan.

Dahil dito, sinabi ng EDCOM2 na ang problema sa edukasyon ng bansa ay nagsisimula pa bago pa man makapasok ang isang bata sa silid-aralan.

Lumabas din daw sa survey na mas matindi ang nararanasang problema ng mga mahihirap at bulnerableng komunidad, kung saan mas maraming bata ang nahaharap sa kakulangan sa pagkain at wastong nutrisyon.