-- Advertisements --

Target ngayon ng gobyerno na gawin na ring dedicated hospital para sa COVID-19 cases ang East Avenue Medical Center.

Ito ang kinumpirma ni Sec. Carlito Galvez, ang chief implementer ng National Task Force against COVID-19. Ayon sa opisyal, nag-botohan na ang kanyang mga kasama sa grupo para maging dedicated facility ang EAMC.

“It would provide 250 isolation and ward beds and at the same time additional ICU, more or less 20 to 30 ICU beds,” ani Galvez sa isang press briefing.

Maaari din daw magbigay ng dagdag na 50 ICU beds at 100 isolation at ward beds ang Quirino Memorial Medical Center.

Bukod sa East Avenue, palalawagin pa raw ng pamahalaan ang mga nauna nang idineklara na COVID-19 dedicated facility tulad ng Philippine General Hospital, Lung Center of the Philippines, at Quezon Institute.

“Through the Health Command, ini-increase po natin ang ating health capacity. Dinadagdagan po natin ang ICU bed para maaddress natin ang increasing admissions ng different hospitals ng mga severe at critical cases.”

Sa huling tala ng Department of Health, aabot na sa halos 120,000 ang total ng COVID-19 cases sa Pilipinas.