-- Advertisements --

Maaaring abutin pa ng ilang buwan at hindi lamang mga linggo ang isinasagawang search and rescue operations para sa mga biktima ng magkasunod at malalakas na lindol na tumama sa Venezuela.

Ayon kay Elinor Raikes, vice president at head of program delivery ng International Rescue Committee (IRC), kasalukuyan nang naghahanap ng ibang alternatibong paraan ang kanilang organisasyon upang mapabilis ang pamamahagi ng tulong at mga pangunahing relief goods.

Ito ay matapos magtamo ang bansa ng malawakang pinsala sanhi ng kambal na pagyanig. Inamin din ni Raikes na isang malaking hamon ang pagpapadala ng tulong dahil sa kasalukuyang estado ng mga imprastruktura sa Venezuela.

Bunsod ng pagkasira ng pangunahing paliparan ng bansa, lubhang mahirap ang pagpapasok ng mga suplay. Sa mga susunod na araw, tututok ang teams ng IRC sa paghahatid ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, malinis na tubig, at pansamantalang matutuluyan para sa mga apektadong residente, pati na rin ang pagdedeliber ng mga medikal na kagamitan para sa local health facilities.

Sa ngayon, marami ring ospital sa bansa ang nagtitiis sa matinding kakulangan ng mga kritikal na suplay medikal, habang tuluyan namang gumuho ang dalawang lumang pagamutan sa Caracas at La Guaira dahil sa lakas ng lindol.

Samantala, dalawang araw matapos ang sakuna, may mga nailigtas pa ring survivor mula sa mga guho sa Caraballeda, isang lugar sa estado ng La Guaira na isa sa mga pinakamatinding tinamaan ng lindol. Kabilang sa mga mapalad na nasagip ay isang indibidwal na matagumpay na nahugot mula sa isang gumuhong anim na palapag na gusali kung saan marami ang nasawi.