-- Advertisements --

seaman1

Nananawagan ang isang mambabatas na dapat magpatupad na rin ng blended learning ang Maritime Industry Authority (MARINA) para sa mga seafarers kasabay ng pagbawas sa babayarang feessakaling sasailalim ang mga ito sa schooling.

Ito ang pahayag ni House Deputy Floor Leader at Marino Party List Representative Sandro Gonzalez kay Standards Training Certification and Watchkeeping (STCW) OIC – Executive Director Samuel Batalla ng Maritime Industry Authority (MARINA) ng magpulong ito ukol sa paksa ng pagkakaroon ng e-learning platform para sa mga Pinoy seafarer.

Inihayag ng MARINA na plano nilang hikayatin ang maritime institutions at training centers na magkaroon ng blended learning program para sa mga seaman bilang tugon sa kanilang hinaing na nauubos ng mga training ang kanilang oras para sa pamilya sa tuwing bababa sila ng barko.

Binigyang-diin ni Rep. Gonzalez na dapat gumawa na rin ng hakbang ang MARINA para mabawasan ang din ang training fees dahil malaking tulong ito para sa mga seaman na gumagastos ng malaking halaga sa kanilang face-to-face training dito sa Pilipinas.

Tugon naman ni Director Batalla na ang pagbabawas ng training fees ay isa sa prayoridad ng MARINA at
nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga concerned offices ukol dito.

Aniya makakatulong din ang e-learning sa mga training centers upang mabawasan ang kanilang gastos pagdating sa mga pasilidad.

Isa sa mga nakikitang benepisyo ng MARINO sa e-learning program para sa mga seaman ay ang pagkakataong makapag-aral ang mga ito kahit on-board sila sa loob at labas ng bansa o kahit nasa bahay lamang sila.

Kabilang din ang Management Level Courses na magkakaroon ng distance learning program.

Ayon kay Rep. Gonzalez malaking tipid ang e-learning program pagdating sa accommodation, transportation, at iba pang miscellaneous fees at ang iisipin na lamang ng mga seafarers ay ang practical test pagbaba nila ng barko.

Malaking tulong din ito sa mga seaman na nakatira malayo sa training centers.