Tiniyak mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang dapat ikabahala ang taongbayan kaugnay sa kanyang kalusugan at kondisyon.
Ginawa ni Pangulong Duterte ang pahayag matapos nitong putulin ang biyahe sa Japan kung saan ito dumalo sa enthronement ceremonies ni Japanese Emperor Naruhito sa Tokyo dahil sa pananakit ng kanyang spinal column malapit sa pelvic bone.
Sa Facebook video ni Sen. Bong Go habang nasa sasakyan sila ni Pangulong Duterte papuntang airport sa Tokyo, sinabi ng pangulo na dahil sa kanyang pagkakasemplang noong Huwebes, masakit ang kanyang balakang partikular sa kanyang “waistline” at naramdaman nito paggising nitong umaga bago ang enthronement ceremonies.
Nakadalo pa naman sa seremonya sa Imperial House si Pangulong Duterte gamit ang tungkod pero hindi dumalo sa court banquet ngayong gabi at iniwan si Davao City Mayor Sara Duterte para magsilbi nitong kinatawan.
Bukas nakatakdang magpapakonsulta si Pangulong Duterte sa kanyang neurologist.