-- Advertisements --

Ipinauubaya na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasagawa ng anumang desisyon hinggil sa oil exploration activities sa West Philippine Sea sa susunod na administrasyon.

Ito ay dahil sa nalalapit na rin na pagbaba sa panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 30.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, bukod dito ay ipinagtataka rin ng pangulo kung bakit ngayon lamang ito isinusulong gayung noong taong 2020 pa inalis ang moratorium nito.

November 2018 nang lagdaan ng Pilipinas at China ang kasunduan hinggil sa pagsasagawa ng joint exploration sa nasabing lugar.

Umiiwas lang din aniya ang pamahalaan na magkaroon ng posibleng conflict sa West Philippine Sea lalo na ngayong unilateral na ang ginagawang oil exploration activity doon.

Ibig sabihin ay mag-isa ang Pilipinas sa pagsasagawa nito at walang kinalaman ang China dito.

Matatandaan na kamakailan lang ay ipinatigil ng Department of Energy (DOE) ang lahat ng exploration activities sa West Philippine Sea hanggang sa maglabas na ng kaukulang clearance dito ang Security Justice, and Peace Coordinating Center (SJPCC) ng Kabinete.

Umani ito ng iba’t-ibang reaksyon at komento mula sa mga senador at sinabing ang naturang suspenyon ay nagpapahina lamang sa karapatan ng ating bansa sa sarili nitong exclusive economic zone.