-- Advertisements --

Nais na ng ilang mambabatas na manghimasok si Pangulong Rodrigo Duterte sa speakership race upang sa gayon ay matigil na ang kaguluhan sa loob ng mga partido, gayundin ang nauna nang napaulat na vote buying.

Binigyan diin Albay Rep. Joey Salceda na maiiwasan ang “bloodshed” kung ngayon pa lamang ay magsalita na si Pangulong Duterte kung sino ang manok nito kina Leyte Representative-elect Martin Romualdez, Marinduque Rep. Lord Allan Velasco at Taguig City Representative-elect Alan Peter Cayetano.

Mariing itinanggi na rin kasi ng ilang miyembro ng PDP-Laban, Nacionalist People’s Coalition, at Party-list Coalition Foundation Inc. na nagkaroon ng konsoltasyon matapos na lumagda ang kanikanilang mga lider sa manifest of support para kay Velasco.

Dahil dito, sinabi ni PDP-Laban President at Sen. Koko Pimentel ang mga kongresistang di susunod sa napili nilang speaker-aspirant ay maaring pumili kung mananatili pa rin o hindi sa kanilang partido.

Kaya naman ayon kay Salceda, para maiwasan ang bangayan sa pagitan ng mga speaker-aspirants at mga taga suporta ng mga ito katulad ng banta ni Pimentel, marapat lamang na bumoses na rin si Pangulong Duterte upang mahinto na ang anumang espekulasyon sa speakership race.