-- Advertisements --

Pabor si Health Secretary Francisco Duque III na palawigin pa ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa National Capital Region (NCR) Plus bubble.

Ayon kay Duque, marami pa rin kasing mga ospital ang nananatiling nasa ilalim ng critical risk classification dahil sa pagdami ng COVID-19 patients.

Kung titingnan aniya ang mga datos, kailangan talagang ipagpatuloy ang MECQ ng isa o dalawa pang linggo.

Babala pa ni Duque na maaring sumipa ulit ang maitatalang bagong kaso ng COVID-19 infection sa oras na luwagan ang quarantine classifications.

Kahapon, aabot sa halos 1 million na ang COVID-19 tally sa bansa matapos na maitala ang 8,162 na bagong mga kaso ng sakit dahilan para umakyat ang total sa 997,523.